Paano ang Pasko sa mga Bulag?

Paano ang Pasko sa mga Bulag?

Paano ang Pasko sa mga Bulag?
by Lyza
Gabi na noong ako’y umuwi mula sa trabaho,
Dahan-dahang tumawid patungong Meralco;
Tumayo at buong pasensya ako nagiintay ng taxi
Gusto ko na makauwi dahil madilim na kasi.
Sa pagsakay ko ng taxi ay patuloy ang paghintay;
Sa sobrang traffic, ang isip ko ay naglakbay.
Mga magagandang ilaw, mga ngiti, at mga makukulay na regalo
malapit na nga ba ang Pasko?
Napatigil ako sa aking pagmumuni-muni
nang may kumatok sa bintana kong katabi
may kumakatok at namamalimos
Isang bulag na ale.
Umandar na ang taxi at wala akong nai-abot
pero sa aking isip ay hindi ko malimot.
Paano ang pasko sa bulag?
Hindi ba parang ang daming kulang?
Buti pa ang bingi
Nakikita ang lahat ng ilaw at ngiti.
Kahit hindi makarinig,
Nakikitang siya’y kasali pa rin.
Buti pa ang pipi
Naririnig ang masasayang awitin.
Kahit hindi makasabay sa jamming,
Nakakasabay naman ang kanyang mga ngiti.
Ngunit paano ang bulag?
Parang malaki ang kulang.
Mga magagandang ilaw, makukulay na regalo, at mga ngiti
kahit sa isip ko ay hindi mawari.
Mahirap kung iisipin,
na ang natitirang pandamdam at pandinig
ay natatanging sandalan sa paligid
na punong-puno ng kanto at gilid.
Malapit na ang Pasko
ngunit ang mga bulag ay paano?
Magkakaroon pa kaya ng pagkakataon
na maranasan nila ito ng buo?
Ano kaya ang pwedeng gawin
para sa mga bulag nating kapatid?
Regalo, pagkain, o pera,
lahat ay parang sadyang kulang pa.
Sa wari ko’y dapat nating gawin
para Pasko’y padamahin
pagmamahalan at kaligayahan
natatanging sagutin.
Sila ay mga nilalang din
na Pasko ay ninanais din
kahit wala silang makita
Pasko ay sana madama.
Maswerte ang walang kapansanan
at lahat ng pwede ay nararanasan;
ngunit hindi ba sa lahat ay nakabubuti
Na ang mga natatamasa ay ibahagi?
Sana ay maisip ng lahat
na lahat materyal na bagay ay hindi sapat.
Pasko’y hindi lamang para sa walang idinadaing
ngunit para sa lahat ng tao rin.
Minsan aking naisip,
mas mabuting bulag sa mata ngunit dilat sa isip.
Sapat na sila sa anong meron
at hindi na nagagawang magreklamo
Buti pa ang mga bulag
Tunay na kahulugan ng Pasko’y alam;
Kahit hindi nakikita ang paligid at mga kulay,
sila’y tunay na nagpapasalamat sa buhay.
Huminto na ang sinasakyan ko
Ay, nasa bahay na pala ako.
Kumusta na kaya iyong bulag na aleng nakita ko?
Malapit na nga ba ang Pasko?

Leave a Comment

%d bloggers like this: